Posted Friday, May. 08, 2009
[Tula] Tag-ulan sa Tag-araw #2
Palagiang umuulan
sa kasagsagan man ng tag-araw
kaya't binilin mong sa pagkikita natin
ay wag kong kalimutang
dalhin ang payong.
Sinabi kong oo
bagama't sa likod ng ayuda ko,
minamarapat kong kalimutan ito
upang sa pagbuhos ng ulan
mapahaba nito ang oras
na kapiling ka
sa abangan ng sasakyan.
Subalit hindi umulan.
Walang naging batis-batisang
mapagtatampisawan ang ating
mga de-goma
at ikaw
na katabi ko lang kanina
ay lulan na pala ng taksi
pauwi sa iyong mahal.
Hindi ko sigurado kung naresolba ko ba ang conflict na ipinasok ko sa tula. Kung hihimayin yung konsepto nito, sasabihin tiyak ni Ramil Gulle na palasak at cliche-y ito. Weh lintik ganun talaga e. Hindi ko kailangang maging iba, at gumawa ng bagong pauso. The mere fact na ako ang sumulat nito at may pinaghugutan ako sa sarili kong haraya eh iba na rin ito. And no, hindi ako napipikon.
Matagal kong pinag-isipan kung gusto kong ipaskil ang tula dito dahil baka mabasa niya ito tapos hindi ako ready sa reaksyon niya. Inabot din ako ng 4 days. Hehe.. Nakampusa, gumaganon pa tayo eh. Pero ngayon, alam kong ready na akong mabasa niya ito at matanong ng, "Ako ba ang tinutukoy mo?". Makakasagot ako ng HINDI, HINDI IKAW YAN without batting my eyelashes (yes, may eyelashes ako).
Nagpramis ako na hindi na ako susulat ng tungkol sa kanya. Oh well, hindi naman talaga siya ang nasa isip ko nung nagsusulat ako. PERO, naging form of encouragement sa akin yung one-liner na sinabi niya nung close pa kami para magsulat ulit ako. Malaking bagay yun para harapin ko ang Musa na sinusubukan ako kung kaya kong isulat yung ayaw kong isulat. Naumpisahan ko na. Wala nang urungan. Salamat sa kanya at iba pang mga alaala ng tunay na summer-rain ng buhay ko na kahit hindi ko naman talaga literal na nakikita eh nararamdaman ko ang presensya dahil sa panahon at mga chorvang katulad nito. Maraming argumentong masarap isulat pero wala akong oras ngayon. Kailangan ko nang umalis at umuwi ng probinsya.
Heniweys, umuulan na naman yata sa labas while I'm writing this. Hindi ko na napansin na matatapos na ang araw na binakasyon ko dahil tulog lang ako maghapon. Heniweys ulit, gudlak sa kafatid kong ikakasal bukas. :)