Posted Thursday, Sept. 24, 2009
Umagang Walang Kape
"Gusto ko ng mainit."
Rumipike ang alingawngaw
ng munting hiling
sa mga paa at kamay
na nagkusang lumapit
sa banggera ng kusina
upang kumuha
ng tasa at kutsarita.
Walang asukal
Walang gatas
Walang adorno kungdi ang usok
sa ibabaw ng tasa
at ang naguguni-guning
giniling na Cofea Arabica.
Matapang,
sumisigid,
nanggigising
at nakakapagpangiti itong
mga alaala ng maraming puyatan,
maraming kuwentuhan
at relasyong binalot ng aroma.
Ganito ako sa ngayon,
kasama ng isang tasa
ng pagpapanggap
at panandaliang tuwa,
may mainit na puswelo
ng 'sikulate eh'
sapagkat bawal nga pala
sa akin ang magkape.
# # #
Kailangan ko nang magkaoras sa pagsusulat. Naiipon na yung mga isyung gusto kong isulat pero ala akong masyadong oras. Kailangan nang masundan ang Summer-rain series of poems. Puro na lang recycling at reconstruction itong sinusulat ko. Kailangan ko nang magsulat ng bago para sa 3 taong nagtitiyagang bumasa nito. Heheheh...